HINAMON at Pinatatag: Isang Penomenolohikal na Pananaliksik sa mga karanasan ng mga out-of-field na mga GURO
Keywords:
Out-of-field na guro, penomenolohiya, karanasan sa pagtuturo, hamon sa EdukasyonAbstract
Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa mga guro na nagtuturo ng asignaturang Filipino bilang out-of-field. Ang mga kalahok ay pinili gamit ang purposive sampling na binubuo ng labimpitong guro mula sa pampublikong paaralan sa Distrito ng T’boli East, Timog Cotabato. Nilayon ng pag-aaral na ito na masuri at mailarawan ang karanasan ng mga guro na nagtuturo ng asignaturang Filipino bilang out-of-field. Ginamit sa pag-aaral ang kwalitatibong penomenolohikal na disenyo kung saan nagsagawa ng indibidwal na pakikipanayam at focus group discussion (FGD) upang makuha ang mga pananaw at karanasan ng mga guro. Lumitaw mula sa mga resulta ang mga temang may kinalaman sa kakulangan ng kaalaman sa, mga hamon sa pagtuturo sa asignaturang Filipino, mga estratehiyang ginamit, at ang mga angkop na suporta para sa mga gurong out-of-field. Gayunpaman, natuklasan din na ang mga guro ay gumagamit ng malikhaing pamamaraan upang mapanatili ang mataas na antas ng pagtuturo, tulad ng paggamit ng makabagong teknolohiya, pagbuo ng mga interaktibong gawain, at pagpapalawak ng kanilang kasanayan sa wika sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na propesyonal na pag-unlad. Sa kabuuan, binigyang-diin ng pag-aaral ang pangangailangan ng mas malawak na suporta para sa mga gurong nagtuturo ng Filipino bilang out-of-field, gayundin ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagsasanay at pagbuo ng mga makatarungang patakaran upang matugunan ang mga hamong kinakaharap ng mga guro sa kanilang pagtuturo.