EKSPOSYUR sa Wika at Translanguaging bilang prediktor sa Komunikatibong Kasanayang Pangwika ng mga Mag-aaral sa FILIPINO
Keywords:
Eksposyur sa wika, translanguaging, komunikatibong kasanayan, kwantitatibong pananaliksik, descriptive-correlational, PilipinasAbstract
Ang pag-aaral na ito ay isang kwantitatibong pananaliksik na may disenyong descriptive-correlational na isinagawa sa Lungsod ng Mati, Davao Oriental. Layunin ng pananaliksik na tukuyin ang antas ng eksposyur sa wika at translanguaging bilang mga prediktor ng komunikatibong kasanayang pangwika ng mga mag-aaral sa Filipino. Ang mga respondente ay binubuo ng mga mag-aaral sa ikasiyam na baitang ng junior high school na pinili sa pamamagitan ng stratified random sampling. Gumamit ang mananaliksik ng mga talatanungan o survey questionnaire upang makakalap ng datos na sinuri sa pamamagitan ng Mean, Pearson-r, at Multiple Regression Analysis. Batay sa mga resulta, natuklasan na ang antas ng eksposyur sa wika at komunikatibong kasanayan ng mga mag-aaral ay nasa katamtaman hanggang mataas, habang ang antas ng translanguaging ay mataas. May natuklasang makabuluhang ugnayan sa pagitan ng eksposyur sa wika at translanguaging, at napatunayang ang dalawang baryabol na ito ay may mahalagang epekto sa komunikatibong kasanayang pangwika ng mga mag-aaral. Ipinakikita ng resulta ng pag-aaral ang kahalagahan ng pagpapalakas ng eksposyur sa wika at epektibong paggamit ng translanguaging upang higit na mapahusay ang kakayahang komunikatibo sa wikang Filipino ng mga mag-aaral.